Imbestigasyon sa paglaganap ng text scams, isasagawa na sa Huwebes

Ikakasa na sa Huwebes ang pagdinig ng Senado kaugnay sa paglaganap ng text scams.

 

Nauna nang naghain si Senator Sherwin “Win” Gatchalian at Senator Ronald “Bato” dela Rosa ng resolusyon para paimbestigahan ang paglaganap ng text scams na ngayon ay naglalaman na ng personal na impormasyon ng kanilang mga balak biktimahin.

Ayon kay Poe, sa darating na Huwebes ay idaraos ng kanyang komite na Senate Committee on Public Services ang pagdinig tungkol sa paglaganap ng text scams gayundin ay tatalakayin din ng komite ang SIM Card Registration Act.


Tiniyak ni Poe na prayoridad na mapagtibay ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang Sim Card Registration Bill na target maaprubahan sa Nobyembre.

 

Aniya, natalakay na ang panukala noong nakaraang Kongreso at marami na silang nakalap na impormasyon tungkol dito kaya naman kung matatapos agad ang pagdinig sa Huwebes ay idadaan na lamang ito sa technical working group sa susunod na linggo at agad na itong iaakyat sa plenaryo.

 

Binigyang diin ni Poe na kailangang mag-double time ng Senado para maisabatas na ang SIM Card Registration upang masawata na sa lalong madaling panahon ang lumalalang text scams.

Facebook Comments