Imbestigasyon sa pagpatay sa modelo at negosyanteng Yvonne Chua Plaza sa Davao City, isinulong sa Kamara

Hiniling ng Makabayan Bloc sa House Committee on Women and Gender Equality na imbestigahan ang kaso ng pagpatay kamakailan sa modelo at negosyanteng Yvonne Chua Plaza sa Davao City.

Nakasaad ito sa House Resolution 729 na inihain nina Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas, ACT Teachers Party-list Representative France Castro at Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel.

Layunin ng pagdinig na makapaglatag ng mga panukala na magpapalakas sa kasalukuyang mga batas na layuning proteksyunan ang mga kababaihan at mabigyan hustisya ang mga biktima ng anila’y “men in uniforms.”


Nakasaad sa resolusyon ang pagtukoy ng Philippine National Police (PNP) na mga sundalo ang pumaslang kay Plaza at itinuturong utak umano ng krimen ay si Brig. General Jesus Durante III na dating pinuno ng Presidential Security Group (PSG) ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Dismayado ang Makabayan bloc na may mga sundalo o pulis na ginagamit ang kapangyarihan para mang-abuso at gumawa ng karahasan sa mga kababaihan ang nananatiling malaya habang hindi pa rin nabibigyan hustisya ang kanilang mga biktima.

Facebook Comments