Inalmahan ni House Assistant Minority Leader and Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas ang napipintong pagtaas ng passenger fees sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Tinukoy ni Brosas ang anunsyo na pagtaas sa ₱390 ng kasalukuyang ₱200 na ibinabayad sa paliparan ng domestic travelers habang aakyat naman sa ₱950 ang ₱550 na sinisingil sa international travelers.
Bunsod nito ay hiniling ni Brosas sa Kamara na imbestigahan ang pagsasapribado at pag-award ng kontrata sa consortium na pinapangungunahan ng San Miguel Corporation-led para sa rehabilitasyon at operasyon ng NAIA.
Dismayado si Brosas na wala pang pagbabago na nagaganap sa NAIA ay nauna nang lumipad ang singil sa mga pasahero.
Ipinunto ni Brosas na ang walang patumanggang hangarin ng nabanggit na mga korporasyon na maibalik ang puhunan nila sa paliparan ay taliwas sa nararapat na serbisyo at pagkonsidera sa kapakanan ng publiko.