Imbestigasyon sa Pamamaril ng NPA sa isang Ex-Brgy. Kapitan sa Ifugao, Patuloy!

Cauayan City, Isabela- Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa pagpatay ng mga NPA sa dating barangay Kapitan ng Tukucan, Tinoc, Ifugao na si Joseph Alicnas Calabson, 47 taong gulang noong Marso 3, 2020.

Magugunita na base sa pagsasalaysay ng asawa ng biktima, tatlong lalaki na nagpakilalang miyembro ng Nona Del Rosario Command New People’s Army-Ifugao ang biglang pumasok sa kanilang ipinapagawang bahay at nagpakilala ang isa na si aka ‘Francis’ at sinabing nagpunta na ang mga ito noong taong 2016.

Nang ibaba ng 3 NPA ang kanilang dala-dalang bagpacks ay lumabas ang isa sa kanila at biglang binaril ng isang naiwan sa loob ng bahay ang ulo ng biktima.


Nilapitan din ng isa pang suspek ang nakahandusay na biktima at pinagbabaril din ito.

Bago umalis ang mga suspek ay nag-iwan ang mga ito ng apat (4) na sulat na may nakasulat na Nona Del Roasario Command New People’s Army kung saan ay nakalahad dito ang kanilang pag-amin sa ginawang krimen kasabay ng pagparatang na ang biktima ay isang Intelligence ng militar.

Pinasinungalingan naman ng asawa ng biktima ang paratang ng mga NPA.

Narekober ng mga otoridad sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang (2) bala ng Cal.45, apat (4) na basyo ng Cal. 40, isang (1) black leather holster at tatlong (3) bala ng hindi pa malamang kalibre.

Facebook Comments