*Cauayan City, Isabela- *Patuloy at puspusan pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring pananambang sa Barangay Kapitan at Kagawad ng Bubog, Sto Tomas, Isabela.
Sa muling panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt Mariano Manalo, hepe ng PNP Sto Tomas, mayroon na silang tinitignang motibo sa pamamaril kay Brgy Captain Manuel Ramento, 40-anyos na idineklarang Dead on Arrival sa pagamutan matapos na magtamo ng iba’t-ibang tama ng bala ng hinihinalang M16 rifle.
Binawian rin ng buhay sa pagamutan nito lamang Huwebes ng umaga ang Kagawad ng nasabi ring barangay na si Glen Padre.
Ayon pa kay P/Capt Manalo, tikom muna ang bibig ng mga pamilya ng dalawang napatay na opisyal na kasalukuyang nagdadalamhati.
Nabatid na bagong halal pa lamang bilang punong barangay ng Bubog, Sto Tomas si Ramento at sa loob ng 2 taon na pamumuno ni P/Capt Manalo ay ito pa lamang aniya ang pinaka malalang nangyari sa kanyang nasasakupan.
Magugunita na noong gabi ng Agosto 21, 2019 ay tinambangan at pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang sakay na SUV van nina Brgy. Captain Manuel Ramento at Kagawad Glen Padre kasama ang isang pamangkin at 6 na taong gulang na batang babae sa Brgy. Bagabag, Sto. Tomas, Isabela.