Imbestigasyon sa passport data breach, isinulong ni Sen. Pimentel

Manila, Philippines – Binabalangkas na ni Senator Koko Pimentel ang resolusyon na magtatakda ng imbestigasyon ng senado sa nangyaring passport data breach sa Department of Foreign Affairs o DFA.

Ito ay makaraang tangayin ng passport maker firm ang lahat ng data ng mga indibidwal na kumuha ng passport sa DFA.

Diin ni Pimentel, dapat magpaliwanag ang DFA kung paano ito nangyari at kung bakit wala itong kopya ng lahat ng data ng mga nag-aplay ng passport.


Sa gagawing pagdinig ng Senado ay nais ni Pimentel na mabusisi kung ano ang laman ng kontrata sa pagitan ng DFA at kompanya gumawa ng mga passport.

Nais malaman ni Pimentel kung kelan at sino ang kalihim ng DFA ng maiselyo ang nabanggit na kontrata.

Giit ni Pimentel, dapat nakapaloob sa kontrata ang mga probisyon na titiyak sa seguridad ng mga impormasyong ibinibigay sa DFA ng mamamayan.

Layunin din ng pagdinig na matiyak na sa bawat kontratang pinapasok ng pamahalaan ay hindi dehado ang taumbayan.

Facebook Comments