Imbestigasyon sa planong pagbubukas muli ng pogo, isinulong ni Senator Pangilinan

Plano ni Senator Kiko Pangilinan na maghain ng resolusyon para pa-imbestigahan ang nakatakdang pagbubukas muli ng operasyon ng mga Philippine Offshore gaming operators o POGO.

Target ni Pangilinan na ipatawag sa pagdinig ang Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR.

Magugunitang bago magsara ang session noong Marso ay nagsagawa ng mga pagdinig ukol sa POGO ang tatlong komite ng Senado.


Sa nabanggit na mga hearings ay lumabas ang umano’y mga ilegal na aktibidad ng POGO tulad ng money laundering, hindi pagbabayad ng tamang buwis, pagkasangkot sa krimen tulad ng prostitusyon, paglabag sa labor laws at panunuhol sa mga opisyal ng Bureau of Immigration.

Kaugnay nito ay iginiit ni Pangilinan sa Inter-Agency Task Force na hindi makatwirang buksan muli ang operasyon ng POGO dahil sa mga paglabag umano nito sa ating mga batas.

Apela ni Pangilinan, sa halip na mga Chinese Workers ay mas dapat unahin ng pamahalaan na pabalikin sa trabaho ang mahigit dalawang milyong Pilipinong manggagawa na na natigil sa trabaho dahil sa covid 19.

Bukod kay Pangilinan, ay nauna ng nagpahayag ng pagtutol sa partial re-opening ng POGO sina Senators Joel Villanueva, Sonny Angara, Sherwin Gatchalian at Risa Hontiveros.

Facebook Comments