Imbestigasyon sa power shortage at rotational brownouts, ikakasa na bukas ng Kamara

Aarangkada na bukas ang motu-proprio investigation kaugnay sa kakulangan ng suplay ng kuryente at sa nararanasang rotational brownouts sa Metro Manila at sa iba’t ibang lugar sa Luzon.

Ang House Committee on Energy na pinamumunuan ni Pampanga Rep. Juan Miguel Arroyo, ang mangunguna sa imbestigasyon sa kasalukuyang sitwasyon ng power supply at demand at ang mga problemang kadikit ng isyu sa kuryente nitong tag-init.

Ayon kay Arroyo, ang imbestigasyon ay sesentro sa pagbusisi sa mga sanhi ng power shortage at magbibigay rin ng rekomendasyon ang komite para masolusyunan ang problema.


Giit ni Arroyo, hindi kakayanin ng bansa ang magiging epekto ng rotational brownouts lalo’t nasa gitna pa naman ang gobyerno sa full-blast na pag-rollout ng COVID-19 vaccines sa mga susunod na araw.

Aniya pa, batid naman na kailangang maitago sa mga cold storage ang mga bakuna dahil kung panay ang brownout na tumatagal ng ilang oras ay tiyak na magiging major setback at mababalewala ang paglaban ng pamahalaan sa COVID-19.

Tinukoy pa ng kongresista na mahalaga rin ang kuryente ngayon sa edukasyon ng mga kabataan dahil ang mga klase ay sa online pa rin naman ginagawa.

Facebook Comments