Iginiit ng Gabriela Women’s Party-list sa pamahalaan na imbestigahan ang mga reklamo ng mga pasahero sa serbisyo ng Cebu Pacific tulad ng overbooking, offloading at iba pang aberya.
Giit ni Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas, ang mga reklamo laban sa Cebu Pacific ay nagpapakita ng matinding problema, palpak na customer service at kawalan ng pananagutan sa airline industry.
Kaugnay nito, maghahain si Brosas ng resolusyon para maimbestigahan ng Kamara ang mga reklamo laban sa Cebu Pacific at iba ang airlines.
Kasabay nito ay hiniling din ni Brosas sa gobyerno na maglatag ng mga kongkretong hakbang na magbibigay proteksyon sa karapatan at kapakanan ng mga pasahero sa bansa.
Nanawagan din si Brosas sa Department of Transportation at iba ang kinauukulang ahensya na pag-aralan at palakasin ang patakaran kaugnay sa overbooking, compensation at customer service sa airline industry at tiyaking magkakaroon ng pananagutan ang mga airline companies.