Manila, Philippines – Umapela si Albay Representative Joey Salceda na ipaubaya na lamang sa Senado kung magsasagawa man ng imbestigasyon sa 30th SEA Games sa bansa.
Kasunod ito ng pahayag din ng Palasyo ng Malakanyang na isa si House Speaker at Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) Chairman Alan Peter Cayetano sa iimbestigahan sa mga nangyaring aberya sa pinakamalaking sporting event sa bansa.
Ayon kay Salceda, posibleng hindi umusad kung may resolusyon na ihahain sa Kamara para imbestigahan si Cayetano at ang SEA Games dahil lider ito ng Mababang Kapulungan.
Bukod dito, nakahanda rin ang mga kongresista para suportahan ang kanilang speaker.
Kumpyansa rin si Salceda na magkakaroon ng pagbabago sa sentimyento ng publiko sa opening ceremonies ng SEA Games sa November 30.
Sinabi ni Salceda na nakita niya kung paano naghanda si Cayetano at iba pang opisyal para sa SEA Games kaya tiyak na kakainin ng mga bashers ang kanilang mga sinabi.
Tiniyak ng mambabatas na magiging proud ang mga Pilipino at ituturing na best SEA Games ang magaganap sa Pilipinas.