Pagaaralan ng Kamara na buksan muli ang kaso ng siyam na narco-generals na isinasangkot bilang mga protektor ng illegal drug trade sa bansa.
Ito ang naging tugon ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) na imbestigahan at papanagutin ang mga nasasangkot sa narcotics trade.
Ayon kay Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, itutulak niya ang muling pagbubukas ng kaso sa siyam na narco-generals na dawit sa kalakaran ng iligal na droga na hanggang ngayon ay hindi pa rin napaparusahan.
“I think it’s plausible to have this issue investigated by Congress since, from what I’ve heard, none of them had been investigated nor were charged in court,” sabi ni Barbers.
Para sa kongresista, matuwid lamang na imbestigahan ng Kongreso ang isyu lalo pa’t hindi man lamang ito nabusisi ng husto at hindi rin nakasuhan sa korte ang mga narco-generals.
Ang ganitong problema aniya ang isa sa dahilan kaya itinutulak niya na maisabatas ang panukalang batas na nag-a-amyenda sa Dangerous Drugs Act of 1992 na pinagtibay na sa Kamara pero nakabinbin pa rin sa Senado.
Layon ng House Bill 7814 ni Barbers na bigyan ng matibay na legal tool ang mga law enforcers para habulin ang mga big time drug lords kasama na rito ang mga coddlers, protectors at financiers ng illegal drug transactions.