Imbestigasyon sa trahedya sa Bajo de Masinloc, makakatulong sa pagbuo ng “archipelagic sea lanes” ng bansa

Kinakitaan ni Senator Francis Tolentino ng pangangailangan na makapagsagawa ang Senado ng special investigation kaugnay ng trahedya sa Bajo de Masinloc para sa pagtukoy at pagmamapa ng “archipelagic sea lanes” ng bansa.

Ang ihahaing resolusyon para ipasilip ang insidente ay posibleng sa Committee on Justice and Human Rights diringgin na siyang pinamumunuan ni Tolentino.

Ayon kay Tolentino, tinitimbang pa niya kung dapat na bang simulan ng Mataas na Kapulungan ang imbestigasyon sa insidente.


Sa ngayon ay hinihintay pa niya ang report sa final investigation ng Marshall Island na siyang flag carrier ng crude oil tanker na nakabangga sa bangka ng tatlong mangingisda na nasawi sa insidente gayundin ang report sa isinagawang imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA).

Paliwanag naman ni Tolentino, ang pakay o layunin ng pagsisiyasat na gagawin ng Senado ay para matukoy na rin ang “archipelagic sea lanes” ng bansa upang maiwasan na ang mga kahalintulad na insidente sa ating mga mangingisda.

Ang itatakdang “archipelagic sea lanes” ang siyang daraanan ng mga malalaking barkong domestic, foreign at international vessels para makaiwas at hindi na ito daanan ng mga bangka ng mga mangingisda.

Facebook Comments