
Pormal ng hiniling ng Makabayan Bloc sa House Committee on Natural Resources at Committee on Labor and Employment na imbestigahan ang “trash-slide” o pagguho ng sanitary landfill sa Rodriguez, Rizal noong February 20.
Nakapaloob ito sa House Resolution 815 na inihain nina Party-list Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers, Sarah Elago ng Gabriela at Renee Co ng Kabataan.
Layunin ng imbestigasyon na matukoy ang pananagutan ng operator ng landfill sa insidente kung saan mayroon umanong mga indibidwal ang natabunan at may nawawala pa rin.
Aalamin din ang panganib na hatid ng landfill sa kalikasan at kalusugan ng mga residente sa mga nakapaligid ditong komunidad.
Target din ng imbestigasyon na matukoy kung nakakasunod ang Rizal Provincial Sanitary Landfill sa mga environmental laws tulad ng Ecological Solid Waste Management Act of 2000.










