Ipinapa-imbestigahan ni House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Partylist Rep. Jil Bongalon sa Kamara ang umano’y iregularidad sa bidding para sa ₱8 bilyong halaga ng laptop at iba pang e-learning materials sa ilalim ng Department of Education (DepEd) Computerization Program sa panahon ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Isinulong ito ni Bongalon, makaraang lumabas sa pagbusisi ng House Committee on Appropriations sa P793.18 Billion na proposed 2025 budget para sa DepEd ay naglaho ang sana ay P1.6 bilyong matitipid ng gobyerno mula sa naunang bidding ng proyekto.
Samantala, lumabas din sa budget hearing ang kabiguan naman ng DepEd sa ilalim pa rin ng pamumuno ni VP Sara na maipamahagi ang halos P9 bilyong halaga ng laptop at iba pang e-learning equipment.
Sa budget hearing ay kinumpirma ng direktor ng Information and Communications Technology Service (ICTS) ng DepEd ang ulat ng Commission on Audit (COA) na noong 2023 ay P2.18 bilyon lamang sa P11.36 bilyong budget ng ahensya ang nagastos para sa computer, laptop, smart television set, at iba pang e-learning equipment.
Batay sa 2023 COA report, ang DepEd Computerization Program (DCP) ay mayroon lamang 50.07 porsiyentong utilization rate at zero accomplishment noong 2023.