Imbestigasyon ukol sa kaso ng naarestong anak ni Secretary Remulla, dapat maging bukas sa publiko

Para kay Assistant Minority Leader at Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, isang malaking kabalintunaan na ang anak mismo ng secretary ng Department of Justice ang nahuling lumalabag sa batas.

Bunsod nito ay iginiit ni Brosas na dapat maging transparent o bukas sa publiko ang magiging takbo ng imbestigasyon ukol sa kaso ng anak ni Justice Sec. Boying Remulla na inaresto dahil sa iligal na droga.

Diin ni Brosas, hindi dapat makalusot sa pananagutan ang anak ni Remulla at iba pang sangkot sa kaso.


Kinukwestyon din ni Brosas kung bakit October 13 pa nailabas ang impormasyon hinggil sa pagkatiklo sa anak ni Remulla na nangyari noong October 11.

Ayon kay Brosas, ang pagdakip sa anak ni Remulla ay nagpapaalala sa war on drugs ng gobyerno kung saan nabibigyan ng tamang proseso ang mga mayayaman habang ang mga mahihirap ay agad napapatay at hindi man lang nakaranas ng imbestigasyon.

Facebook Comments