Imbestigasyon ukol sa pagpatay kay Gov. Degamo, kinansela ng Kamara

Kanselado ang nakatakdang pagdinig bukas ng House Committee on Public Order and Safety ukol sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Ayon sa Chairman ng komite na si Sta. Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez, minabuti ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na kanselahin ang pagdinig na nakatakda sana alas-9:30 ng umaga bukas, Marso 14.

Sabi ni Fernandez, ito ay bilang paggalang sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng mga awtoridad partikular ng Department of Justice sa kaso ng pagpaslang kay Degamo kung saan nadamay ang ilan pang katao.


Wala namang binanggit si Ferdinandez kung kelan muling itutuloy ang nabanggit na pagdinig.

Magugunita na mismong si Speaker Romualdez ang nag-utos sa komite na imbestigahan ang nangyari kay Degamo matapos mabatid na lima sa anim na security detail ni Degamo ay hindi nag-duty sa araw na siya ay pinaslang.

Kabilang sa mga inimbitahan na dumalo sa naudlot na pagdinig ay sina Department of the Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos, Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, Philippine National Police Chief Rodolfo Azurin Jr., gayundin ang mga kinatawan mula sa PNP Security Police Security and Protection Group, Criminal Investigation and Detection Group at National Bureau of Investigation.

Facebook Comments