Ipinag-utos na ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon ukol sa isiniwalat ni Police Lieutenant Colonel Jovie Espenido na umano’y quota at reward system sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil na bubusiin ng kanilang review panel ang lahat ng isyu kaugnay sa anti-drug campaign kabilang ang human rights, mga protocol at iba pa.
Giit ni Marbil, layon ng imbestigasyon na masigurong naaayon sa batas at may respeto sa karapatang pantao ang kampanya ng PNP kontra iligal na droga.
Una nang ibinunyag ni Espinido na nakakatanggap umano ng P20,000 ang bawat pulis na nakakapatay ng personalidad na kabilang sa drug watchlist at nagmumula ang pondo nito sa POGO at Small Town Lottery o jueteng.