Imelda Papin sa mga kritiko ng ‘Iisang Dagat’: Hindi ako traydor sa bayan

Screenshot captured from Iisang Dagat's music video on Youtube.

Dumepensa ang singer-turned-politician na si Camarines Sur Vice Governor Imelda Papin sa sandamakmak na pambabatikos ng netizens kaugnay ng partisipasyon niya sa Chinese music video na “Iisang Dagat (One Sea).

Ang kontrobersiyal na awitin ay tungkol daw sa tulungan ng Pilipinas at Tsina na parehong nahaharap sa krisis bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Tampok sa “Iisang Dagat” video ang ilang mang-aawit na Pinoy at Chinese na ipinalabas ng embahada noong Sabado.


Isinulat ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian ang pinag-uusapang kanta sa social media.

Sa isang panayam, iginiit ni Papin na hindi siya traydor sa bansa at wala siyang tinanggap na bayad sa proyektong nilahukan.

“Ako po ay pinakiusapan, at ang intensyon ng kanta ay para magtulungan tayong lahat,” pahayag ng beteranang singer.

Paliwanag pa ng tinaguriang “Juke Box Queen”, hindi niya raw ito tatanggapin kung may kinalaman ang kanta sa isyu ng West Philippine Sea (WPS)

Layunin daw ng “Iisang Dagat” na magbigay-pugay sa mga Chinese health workers na pumunta ng Pilipinas para makiisa sa pagsugpo laban sa pandemya.

Kamakailan lamang ay naghain ng diplomatic protest ang bansa dahil sa pagtutok ng radar gun ng mga barko mula China sa Philippine Navy ship sa WPS.

Sa ngayon, umani na ng 643,000 views at 175,000 dislikes ang “pakulong” video sa Youtube channel.

Facebook Comments