Manila, Philippines – Iminungkahi ni Quezon City Rep. Winston Castelo na ipaubaya na lamang sa mga Barangay Tanod ang pagpapatupad ng anti-tambay policy campaign ng Duterte administration.
Ang suhestyon ay kasunod na rin ng mga batikos na ibinabato sa pnp matapos na paghuhulihin ang libu-libong tambay at ang kaso ng pagkamatay ng nadakip na tambay na si Genesis Argoncillo alyas Tisoy.
Ayon kay Castelo, mababawasan ang pagiging ‘Critical’ ng reaksyon ng publiko sa oplan tambay kung ito ay ipapaubaya sa mga otoridad na ‘Less Prone’ sa pang-aabuso.
Paliwanag ni Castelo, mas magagampanan ng maayos ang tungkulin sa pagsawata sa mga tambay kung ito ay ipauubaya sa mga barangay tanod na kaya rin namang magpatupad ng peace and order sa mga nasasakupan.
Aniya, ‘Well Trained’ ang mga Barangay Tanod para ayusin ang mga tambay sa kanilang mga komunidad, mas alam ng mga ito ang ‘Terrain’ ng lugar at mas kilala ng mga ito ang mga kanilang mga residente.
Inirekomenda din ni Castelo na magtalaga na lamang ng mga pulis sa mga pampublikong lugar lalo na sa mga lugar na may matataas na crime rate upang patuloy na mabantayan ang kaligtasan ng mamamayan.