Iminungkahi ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang pagsasagawa ng ‘marathon sessions’ para sa Third Regular Session ng 17th Congress.
Giit ni Barbers, ito ay para mapabilis ang deliberasyon sa panukalang pambansang pondo sa susunod na taon at para matapos na rin ang pagtalakay sa Charter Change (Cha-cha) at iba pang mahahalagang lehislasyon.
Sa rekomendasyon ni Barbers, gagawin ang sesyon mula Lunes hanggang Sabado sa loob ng tatlong Linggo kada buwan.
Mayroon namang ibibigay na isang linggong break para makauwi ang mga kongresista sa kani-kanilang mga distrito.
Hindi rin papayagan ang mga mambabatas na umalis ng bansa hanggang Disyembre ngayong taon hangga’t hindi natatapos ang 2019 budget at ang Cha-cha.
Karaniwan na kapag nag-umpisa na ang budget deliberations na naguumpisa sa SONA at tumatagal hanggang Setyembre ay naisasantabi na ang ibang mga panukalang batas.