IMINUNGKAHI | Nakumpiskang 27,000 na sako ng bigas, ibigay na lamang sa NFA

Manila, Philippines – Iminungkahi ni Abra Representative JB Bernos na ibigay na lamang sa National Food Authority o NFA ang nakumpiskang 27,000 na sako ng bigas sa karagatan ng Zamboanga Sibugay.

Ang libu-libong smuggled na sako ng bigas na nakumpiska noong Linggo ng Philippine Navy ay mula sa Vietnam na aabot sa P67.9 million.

Ayon kay Bernos, sa halip na ibenta sa NFA ang smuggled rice ay dapat na ibigay ang mga nakumpiskang bigas sa ahensya ng walang kapalit na halaga at ipandagdag na lamang ito sa kanilang stocks.


Ang pera naman na ipambibili sana ng NFA ay gamitin na lamang para sa pag-import ng mas marami pang bigas para matugunan ang kakulangan sa suplay.

Kasabay pa ng rekomendasyon na ito ay pinamamadali na rin ni Bernos ang pag-apruba sa House Bill 7348 na layong otomatikong i-turn over sa NFA ang mga nakumpiskang smuggled na bigas.

Ang nakumpiskang bigas ay maaari ding gamitin ng DSWD para ipamahagi para sa relief ng mga biktima ng kalamidad.

Facebook Comments