Iniimbestigahan na ng Bureau of Immigration (BI) ang tauhan nilang naging dahilan kung bakit naiwan ng eroplano ang isang pasahero patungong Israel.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, pinagsusumite na rin nila ng report ang naturang immigration officer.
Una nang nag-viral ang post ni Cham Tanteras, isang freelance writer matapos siyang maiwan ng flight dahil sa daming mga dokumentong hinanap sa kanya ng immigration officer.
Aniya, una siyang tinanong kung graduate na at nang sabihin niya na oo ay hiningan siya ng yearbook.
Nang wala siyang maipakitang yearbook, hiningan aniya siya ng graduation photo na masuwerteng may naka-save sa kanilang mobile phone.
Kung anu-ano pa aniya ang pinagtatanong sa kaniya at binigyan pa siya ng isang set ng questionnaire.
Dahil dito, naiwan siya ng kaniyang flight at nasayang ang ₱19,000 halaga ng kanyang plane ticket.
Nakabiyahe pa rin naman aniya siya ng ibang araw pero kinailangan niyang bumili ng panibagong ticket sa halagang ₱27,000