Immigration officers na nakatalaga sa screening sa NAIA, hinamong magbitiw sa pwesto

Hinamon ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., ang Bureau of Immigration (BI) officers na mag-resign na lamang kung hindi mareresolba ang problema sa napakaraming kababayan na na-o-offload sa kanilang biyahe kahit walang matibay na basehan.

Ang hamon ng senador ay kaugnay na rin sa nag-viral na video ng isang offloading incident sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan detalyadong ikinuwento ng isang pasaherong papunta ng Israel ang kanyang naging karanasan sa isang Immigration Officer na hiningan siya ng yearbook at graduation picture na wala namang kinalaman sa kanyang biyahe at naiwan pa siya sa kanyang flight.

Sinita ni Revilla ang inilabas na statement ng BI kung saan ipinagmalaki pa na sa mahigit 30,000 pasaherong kanilang in-offload noong 2022, 472 lang ang may kaugnayan sa human trafficking, 873 ang umano’y nag-misrepresent sa kanila at sampu ay mga menor de edad.


Giit ng senador, lumalabas na wala pang 4.2 percent ang may in-offload nang may basehan, at mas nakakagalit aniya ay 1.45 percent lang sa kabuuang bilang ang konektado sa human trafficking.

Puna pa ni Revilla, sobrang daming oras at pera ng mga pasahero ang nasayang dahil sa mga walang katuturan na pag-offload sa mga ito at daig pa ng BI ang korte sa lawak ng discretion at authority nila para harangin ang biyahe ng mga pasahero.

Kung hindi aniya aayusin ng BI ang kanilang sistema at ang nasabing problema ay mabuti pang magsi-bitiw na sa mga pwesto ang mga ito.

Facebook Comments