
Posibleng humiling si Independent Commission for Infrastructure (ICI) Special Adviser Rodolfo Azurin Jr. kay ICI Chairman retired Supreme Court Justice Andres Reyes ng immunity o garantiya na hindi sila babalikan ng mga personalidad na kasalukuyan o posibleng makasuhan kaugnay ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa flood control anomaly.
Ayon kay Azurin, nais nilang matiyak na may sapat na proteksyon ang mga natitirang opisyal at miyembro ng komisyon, lalo’t on-going pa ang imbestigasyon ng ICI.
Aniya, kung magpapatuloy ang trabaho ng komisyon, irerekomenda rin niya ang pagtalaga ng mga tauhan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang tumulong sa imbestigasyon ng mga maanomalyang proyekto.
Kabilang sa mga ahensiyang posibleng makipagtulungan ang Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Department of Trade and Industry (DTI), Anti-Money Laundering Council (AMLC), at Bureau of Customs (BOC).
Samantala, iginiit din ng komisyon ang kahalagahan na mabigyan ang ICI ng kapangyarihang mag-isyu ng subpoena at magpa-contempt laban sa mga sangkot sa flood control scam.










