Immunity para sa mga Marcos, posibleng makwestyon sa Korte Suprema

Manila, Philippines – Nagbabala si Kabayan Rep. Harry Roque na posibleng maharap sa kwestyong ligal sa Korte Suprema ang anumang batas na pagtitibayin ng Kongreso para sa immunity ng mga Marcos kasunod ng balitang ibabalik ang mga nakaw na yaman ng mga ito.

Paliwanag ni Roque, sa ilalim ng kasalukuyang batas, ibinibigay lamang ng korte ang immunity sa state witness at kung ang isang tao ay isasailalim sa witness protection.

Tama naman anya ang Pangulo na humiling sa Kongreso na magkaroon ng bagong batas para palawakin ang pagbibigay ng immunity.


Pero, hindi aniya ito maaaring limitado lamang sa pamilya Marcos kundi dapat ay sakop ang sinumang nagnakaw sa gobyerno at gustong magbalik nito dahil kung ito ay para lamang sa pamilya Marcos, posibleng kwestyunin at ipetisyon ang legalidad nito sa kataas-taasang hukuman.

Pinayuhan na lamang ni Roque na sa halip na immunity ay amnestiya ang pagtibayin ng kongreso para sa lahat ng mga gustong magsauli ng ill-gotten wealth.

Gayunman, pinatitiyak ng kongresista na ang paggawad ng amnestiya ay hindi salungat sa public policy at good morals.

Samantala, sa pagdinig ng budget sa Kamara, natuklasan pa ng Presidential Commission on Good Government ang ilang ill-gotten wealth ng mga Marcos.

Kabilang sa mga nadiskubreng ill-gotten wealth ang mga gusali sa US na aabot sa 32 million dollars at ang planong bawiin pa na halagang 102 Billion pesos.

Facebook Comments