Impeachment bilang isang Konstitusyonal na proseso, hindi dapat gawing political circus

Iginiit ni House Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union na hindi dapat gawing political circus ang impeachment na isang Konstitusyonal na proseso para mapanagot ang mga lider ng bansa.

Bunsod nito ay nananawagan si Ortega ng paggalang at pagpapakita ng hinahon sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso kasunod ng pahayag ni Sen. Imee Marcos na paliltan si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Diin ni Ortega, ginampanan lamang ni Speaker Romualdez ang kanyang tungkulin bilang presiding officer ng Kamara nang makakuha ng higit pa sa one-third vote ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Apela naman ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, huwag gamitin ang Kamara at si Speaker Romualdez bilang panangga para mabigyang-katwiran ang pagsuway ng Senado sa impeachment complaint laban kay VP Sara.

Ayon kay Acidre, hindi dapat ibaba sa antas ng personal na pulitika ang impeachment kay VP Duterte dahil ginampanan lang ng Kamara ang tungkulin nito sa ilalim ng Konstitusyon na ihatid sa Senado ang beripikadong Articles of Impeachment.

Facebook Comments