Manila, Philippines – Haharap ngayong araw ang isang Information Technology (It) Consultant ng Supreme Court sa pagpapatuloy ng impeachment hearing ng House Committee on Justice laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Committee Chairman, Negros Oriental Rep. Reynaldo Umali – kumpirmadong dadalo sa pagdinig ang IT consultant ay si Helen Macasaet.
Sa mga nagdaang pagdinig, kinuwestyon ni Supreme Court Associate Justice Teresita Leonardo-De Castro ang 250,000 pesos na ibinibigay ni Sereno na buwanang sahod kay Macasaet.
Bukod kay Macasaet, dadalo rin ang ilang resource persons kabilang sina Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Cesar Dulay, Sandiganbayan Justice Zaldy Trespeses at Court Administrator Midas Marquez.
Apat na pagdinig pa ang gagawin ng komite bago makapagdesisyon sa probable cause ng impeachment complaint laban kay Sereno.