
Malaki pa ang tsansang i-resuscitate o buhayin muli ng Senado ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte kahit pa na-i-archive na ito ng Mataas na Kapulungan.
Ayon kay Senator Panfilo Lacson, maaari pang buhayin ang impeachment case dahil hindi pa naman ito tuluyang na-dismiss o ibinasura ng mga senador.
Kapag binaligtad aniya ng Supreme Court ang kanilang ruling na unconstitutional ang impeachment case laban sa bise presidente, maaari itong ilabas mula sa archive at pagbotohan para maipagpatuloy ang paglilitis.
Paliwanag ng senador, sakali kasing dismiss ang napagkasunduan ng Senado, kahit i-reverse ng Korte Suprema ang kanilang desisyon ay hindi na maaaring buhayin ang kaso.
Dahil mayroong motion for reconsideration ang Kamara na nakabinbing desisyunan ng SC ay hindi maiaalis ang tsansang mabuhay muli ang impeachment case.









