Manila, Philippines – Hindi rin naiprisinta ngayong araw sa pagdinig ng House Committee on Justice ang records ng Statement of Asserts, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Humarap sa pagdinig si Atty. Annaliza Ty-Capacite, ang Judicial and Bar Council (JBC) Executive Director.
Pero sinabi ni Capacite na hindi siya ang repository o custodian sa mga SALN ng mga nag-a-apply sa pagka-Punong Mahistrado.
Aniya ito ay nasa ilalim ng Office of Recruitments, Selection and Nomination na pinamumunuan ni Atty. Socorro Inting.
Dahil sa pagkakamali ng komite sa ipinatawag na opisyal ng JBC, ipapa-subpoena sa susunod na pagdinig si Atty. Inting at ang mga records ng SALN ni Sereno.
Dadalo naman si Justice Committee Chairman Rey Umali sa JBC en banc sa Huwebes bilang miyembro ng JBC sa ilalim ng House Committee on Justice.
Dito ay itatanong at aalamin ni Umali kung bakit kakailanganin pa ang approval ng SC sa paglalabas ng SALN records ni Sereno.