
Mababahiran ang imahe ng bansa kapag natuloy ang impeachment case laban kina Pangulong ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senator JV Ejercito, nakakalungkot kung totoong may impeachment laban kina PBBM at VP Sara.
Bagama’t constitutional duty ng Senado na dinggin ang impeachment case laban sa dalawang lider ng bansa, nababahala siya sa magiging implikasyon nito pagdating sa pagtingin sa bansa ng international community.
Magpipinta lamang aniya ito ng kawalan ng katatagan ng politika sa bansa.
Tinukoy ni Ejercito na humaharap na nga tayo sa flood control scandal tapos sasabayan pa ng impeachment cases ng dalawang lider ng bansa, tiyak na wala nang positibo o maganda na kakaharapin at makikita sa atin.
Batid naman ng mambabatas na kailangan may accountability laban sa mga nagkasala sa pamahalaan subalit mainam din na may magawa tayong positibo para sa bansa.
Mayroon nang naihaing impeachment complaint laban kay PBBM sa Kamara habang matatapos naman na ang 1-year ban sa paghahain ng impeachment laban kay VP Sara sa Pebrero at inaasahang sasampahan muli ito ng impeachment complaint.










