Impeachment complaint laban kay COMELEC Chairman Bautista, ipinababalik sa Committee on Justice

Manila, Philippines – Ipinababalik nila Ako Bicol PL Rep. Rodel Batocabe at Albay Rep. Edcel Lagman sa committee level ang reklamo ng impeachment laban kay COMELEC Chairman Andres Bautista.

Parehong naniniwala ang mga kongresista na minadali ng Kamara ang desisyon na ibasura ang committee report na nagpapabasura sa impeachment complaint.

Paliwanag ng mga kongresista, ang pinagbotohan kahapon ay committee report na nagpapabasura sa reklamo dahil sa kawalan ng sapat na porma at hindi naman ang articles of impeachment.


Nangangahulugan na dapat na maibalik ito sa komite para sa determinasyon ng sufficiency of substance, sufficiency of grounds at determination of probable cause.

Ayon kay Lagman, maiiwasan lamang ang hakbang na ito kung lalagda ang 1/3 ng mga kongresista sa impeachment complaint para maidiretso na ito sa Senado.

Sinabi naman ni Batocabe na kung ipipilit na iakyat sa Senado ang articles of impeachment base sa naging hakbang kahapon ng plenaryo ay posibleng ibasura ito ng Mataas na Kapulungan dahil sa pagiging premature.

Facebook Comments