
Mariing itinanggi ng Malacañang ang paratang na may kinalaman ang administrasyon sa paghahain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at sinabing walang basehan ang alegasyong ito at ito’y isang “scripted distraction.”
Ito ang tugon ng Palasyo sa pahayag ni Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte na kumukuwestiyon sa motibo sa likod ng impeachment complaint.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, walang kinalaman ang pangulo o ang kanyang administrasyon sa paghahain ng reklamo.
Wala rin umanong intriga, manipulasyon, o planong paglikha ng isyu kaugnay nito dahil hindi sana’y ang Pangulo sa pagplanta ng mga ebidensya tulad ng gawain ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Binigyang-diin ni Castro na iginagalang ng administrasyong Marcos ang Konstitusyon at ang tamang proseso ng batas o due process.
Nilinaw rin ng Malacañang na hindi totoo ang pahayag na ang nagsampa ng impeachment complaint na si Atty. Andre de Jesus ay naging abogado ng unang ginang sa isang disbarment case.
Nanawagan din ang Palasyo na tigilan na ang pagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay ng isyu.










