
Tinawag ni Senator Imee Marcos na isang “drama series” ang inihaing impeachment complaint laban kay Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon kay Sen. Imee, hindi pa niya nababasa ang naturang reklamong inihain sa kanyang kapatid subalit ngayon pa lamang aniya ay natatawa na siya sa itsura ng complaint.
Sinabi pa ng senadora na masyadong obvious na tila palabas o drama series lang ang impeachment complaint laban kay PBBM na tatagal ng isang taon dahil kilala naman ng lahat kung sino ang naghain ng reklamo at kung ano ang background nito.
Si Atty. Andre de Jesus ang naghain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos pero sinasabi ring abogado ito ni First Lady Liza Araneta-Marcos.
Nang matanong naman si Sen. Imee kung mapapatalsik ba ang kapatid sa grounds ng paggamit ng iligal na droga, sinabi ng senadora na bumenta na ito noon sa takilya.
Tungkol naman sa inaasahang paghahain ng ikalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa Pebrero, babala ni Sen. Marcos na alam naman ng Kongreso ang nangyari noong nakaraang eleksyon.










