Nai-refer na ng Committee on Rules sa House Committee on Justice ang impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.
Isinagawa ang referral sa sesyon ngayong hapon matapos katigan ng House Committee on Rules na isama na ang reklamo sa ‘order of business’ ngayong araw.
Inirereklamo si Leonen ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust dahil sa hindi umano paghahain ng Statement of Asset, Liabilities and Net Worth (SALN) at delayed na pagresolba nito ng mga kaso na kanyang hinahawakan.
Dahil dito, maaari nang magsimula ang Justice Committee ng pagdinig upang alamin kung may sapat na substance at form ang reklamo.
Matapos ang pagdinig ay maglalabas ng report ang komite na kailangan maisumite sa loob ng 60 session days kalakip ang resolusyon na siyang pagbobotohan sa plenaryo.
Kumpiyansa naman si House Majority Leader Martin Romualdez magiging patas ang paghawak ni House Justice Committee Chair Vicente “Ching” Veloso sa naturang reklamo salig sa constitutional grounds at rules and practices.