Binatikos nina opposition Senators Risa Hontiveros at Francis “Kiko” Pangilinan ang paghahain ng complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen ni Edwin Cordevilla, Sec. Gen. ng Filipino League of Advocates for Good Government na ang kumatawan ay si Atty. Larry Gadon at inendorso ni Ilocos Norte Representative Angelo Barba.
Ayon kay Hontiveros, magsisilbi lang itong pamumulitika at distraction o panggulo sa atensyon ng mga mambabatas.
Giit ni Hontiveros, mas dapat pagtuunan ng pansin ngayon ang pagtulong sa mga Pilipinong labis na apektado ng COVID-19 pandemic at kung papaano maibabangon ang ekonomiya.
Para naman kay Senator Pangilinan, kalokohan at walang kakwenta kwenta ang nasabing impeachment case.
Diin ni Pangilinan, ang dapat tutukan ng mga nanunungkukan sa gobyerno ngayon ay ang pandemya, gayundin ang mga problema ng lupasay na ekonomiya pati ang kawalan ng trabaho at gutom ng taumbayan.