Manila, Philippines – Pinaghihinalaan ng Magnificent 7 sa Kamara na isa lamang “diversionary tactic” ang paghahain ng impeachment complaints sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno.
Naniniwala si Akbayan Rep. Tom Villarin na estratehiya ito ng pamahalaan para ilihis ang atensyon ng publiko hinggil sa mas lumalalim pang imbestigasyon ng Senado tungkol sa pagpuslit ng P6.4 billion na halaga ng iligal na droga sa Bureau of Customs (BOC).
Naniniwala si Villarin na ayaw lamang ng Duterte administration na matukoy ang katotohanan sa issue ng suhulan sa BOC.
Mabigat din na usapin ang pagkakadawit sa suhulan sa BOC ng Davao Group na sinasabing kinabibilangan ni Vice Mayor Paolo Duterte at brother in law na si Atty. Maneses Carpio.
Kinukwestyon din ang suportang ipinapakita ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa mga inihaing impeachment complaints laban kina Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Ombudsman Conchita Carpio Morales.
Ngayon kasi ay agad na naipasasa sa tanggapan ni Speaker ang mga reklamo kahit pa abala ang Kamara sa budget hearing samantalang noong may naghain ng impeachment complaint kay Pangulong Duterte, idinadahilan na mauubos lamang ang oras ng Kongreso.