Impeachment court, inaasahang magko-convene sa July 29; mga bagong senator-judges, pwede nang manumpa

Inaasahan ng ilang mga senador na makakapag-convene na ang impeachment court sa pagbubukas ng sesyon sa 20th Congress o sa July 29.

Ayon kay Senator Tito Sotto, umaasa siyang sinuman ang mauupong Senate President ay magpapatawag na ng sesyon ng impeachment court at dapat na maisalang agad ang articles of impeachment upang mabigyang pagkakataon ang prosekusyon at depensa na maiprisinta ang kanilang mga panig.

Sakali namang sumapit ang July 29 at hindi pa nakakapag-comply ang Kamara sa ikalawang utos ng impeachment court, mananawagan si Sotto na magtakda ng schedule para sa pag-convene ng korte at para maumpisahan na ang impeachment trial.

Pinanghahawakan din ni Senator Risa Hontiveros ang agad na pagko-convene ng impeachment court at ang pagratsada ng paglilitis sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Hiniling din ni Hontiveros ang agad na pagpapanumpa sa mga bagong senator-judges lalo’t ngayong araw ay epektibo na ang pagsisimula ng 20th Congress.

Iginiit din ng mambabatas na hindi pwedeng may mag-mosyon lang na ibasura ang impeachment case nang hindi dumadaan sa paglilitis at mahalagang mailatag muna ang lahat ng mga ebidensya at mapagusapan ang naging sagot ng depensa at prosekusyon sa naging summon ng korte.

Facebook Comments