Impeachment kay VP Sara, dapat itrato tulad ng pag-iimbestiga sa flood control corruption — Malacañang

Iginiit ng Malacañang na ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ay dapat tratuhin tulad ng pag-iimbestiga sa mga anomalya sa flood control projects.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kung maisasampa ang reklamong impeachment, dapat itong dumaan sa parehong proseso ng masusing imbestigasyon, gaya ng ginagawa ng gobyerno sa mga isyu ng katiwalian.

Bagama’t hindi tahasang sinabi kung susuportahan o haharangin ng Pangulo ang impeachment complaint laban sa Bise Presidente, nilinaw ni Castro na igagalang ni Pangulong Marcos ang umiiral na proseso ng batas.

Matatandaang una nang sinabi ng Pangulo na pag-aaksaya ng oras ang impeachment at hindi ito direktang makatutulong sa pag-angat ng buhay ng mga Pilipino.

Ngunit ayon kay Castro, maaaring noon ay hindi pa ganap na nakikita ng Pangulo kung gaano kalawak at kaseryoso ang isyu.

Facebook Comments