Posible ang pagsasagawa ng impeachment process kahit naka-session break ang Kongreso.
Ito ang sinabi ni Senate President Chiz Escudero ngayong may nalalabing 6 na araw na lamang bago ang adjournment ng sesyon para sa Christmas break habang mayroong 24 session days naman sa susunod na taon bago mag-recess para bigyang daan ang 2025 midterm elections.
Ayon kay Escudero, posible ang pagsasagawa ng impeachment proceedings kahit session break dahil ang naturang proseso ay hindi naman isang sesyon na kailangang sabay rin na nagsesesyon ang counterpart nila sa Kamara.
Pero depende aniya kung ito ang mapagpapasyahan ng impeachment court.
Sa kaso ng dalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, dahil wala pa sa 1/3 ang nag-endorso nito sa Kamara ay dadaan muna ito sa proseso ng impeachment hearing sa Mababang Kapulungan at kapag nakitaan ng sapat na merito at probable cause ay saka pa lamang ito iaakyat sa impeachment court ng Senado.
Sinabi pa ni Escudero na hindi maikli ang prosesong ito bago makarating sa Senado.
Ayaw naman pangunahan ni Escudero ang magiging desisyon ng mayorya ng Senado kung paano isisingit ang schedule ng impeachment proceedings pero sa ngayon ay hindi pa naman ito napag-uusapan o idinudulog sa kanya ng kahit na sinong senador.