IMPEACHMENT VS. CJ SERENO | Pagdinig, maagang natapos

Manila, Philippines – Tinapos na ng House Committee on Justice ang pagdinig sa probable cause ng impeachment case ni CJ Maria Lourdes Sereno.

Maagang natapos ang pagdinig ngayon dahil maaga ding natapos ang mga kongresista sa pagtatanong kay Atty. Larry Gadon.

Sa pagdinig kanina, inamin ni Gadon na maraming nagbibigay ng dokumento sa kanya sa tuwing pupunta sa Supreme Court.


Ayon kay Gadon, hindi niya kilala ang mga nagbibigay sa kanya ng dokumento pero mga naka-ID ng Korte Suprema ang mga ito.

May mga nagbibigay din ng dokumento sa kanya ng pasikreto pero ang mga ito ay hindi niya kilala ng personal.

Na-curious din umano siya kaya niya pinag-aralan ang mga dokumento at ilan sa mga ito ang pinagbatayan ng kanyang reklamo.

Samantala, ginisa ngayon ni Justice Committee Vice Chairman Henry Oaminal si Atty. Gadon sa alegasyon ng korapsyon dahil sa iligal na pag-acquire ng Toyota Land Cruiser na aabot sa 5 milyong piso, ang pagsakay sa 1st class flight ng Chief Justice kasama ang mga staff at bodyguards nito at ang pag-stay ni Sereno kasama ang mga staff sa presidential villa sa Boracay.

Sinasabi ni Gadon na extravagant masyado ang mga ito lalo na’t ipinagbabawal sa mga government official ang sobrang luho.

Hinihingan naman si Gadon ng komite ng dokumento na magpapatunay na may nilabag at korapsyon ang ginawa ni Sereno.

Samantala, humarap naman ang taga-BIR na si Atty. Rosario Padilla at nakiusap sa komite na sa Biyernes nila maisusumite ang tax records ni Sereno.

Kaugnay naman sa desisyon ng Supreme Court en banc na payagan ang mga inimbitahang Justices at mga SC members na humarap sa pagdinig, nagpulong agad ang komite para pag-usapan ang ilalatag at magiging takbo ng pagdinig bukas.

Napagkasunduan na uubusin bukas sa mga Justices ang 27 allegations laban kay Sereno.

Haharap bukas sa Justice Committee sina SC Associate Justice Teresita de Castro, Justice Noel Tijam, SC Administrator Midas Marquez, SC Spokesman Theodore Te, at SC Clerk of Court Felipa Anama alas 930 ng umaga.

Facebook Comments