Implementasyon ng Anti-Bullying Act, pinasisilip ng Senado

Pinaiimbestigahan ni Committee on Basic Education Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang estado ng implementasyon ng Republic Act 10627 o Anti-Bullying Act of 2013.

Sa Senate Resolution 454 na inihian ni Gatchalian, layunin nitong tugunan ang nakakaalarmang insidente ng bullying sa mga paaralan sa bansa at magrekomenda ng mga polisiya at legislative interventions para sa epektibong pagpapatupad ng batas.

Tinukoy ng senador sa resolusyon ang magkakasunod na insidente ng bullying sa mga eskwelahan kabilang ang pananaksak na kinasangkutan ng dalawang estudyante sa Culiat High School sa Quezon City at ang pananakal ng isang estudyante sa kapwa estudyante sa Ateneo de Davao University na nakuhaan pa ng video.


Ipinunto ni Gatchalian na kinakailangan na ng komprehensibong analysis at gap review sa batas laban sa bullying.

Binigyang diin ng mambabatas na kailangang matiyak na ang bawat paaralan ay epektibong naipapatupad ang Anti-Bullying Law tulad ng agarang pagresponde, pagre-report, pag-iimbestiga at documentation, intervention at pagpapataw ng disciplinary measures.

Batay rin aniya sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas, dapat nasusunod ang pagtatalaga ng Child Protection Committee (CPCs) bilang Anti-Bullying Committee na siyang hahawak ng bullying cases sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Tinukoy pa ni Gatchalian na batay sa isang pag-aaral, nagiging mabagal ang pagkatuto ng isang mag-aaral na binu-bully kaya naman kailangang masugpo ang bullying sa mga paaralan sa tulong ng episyenteng pagpapatupad ng batas lalo’t nagdudulot na ito ng pinsala sa pag-aaral at mental health ng isang estudyante.

Facebook Comments