Umapela si Public Services Committee Chair Grace Poe sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na ipagpaliban muna ang implementasyon ng bagong travel rules sa mga Pilipinong aalis ng bansa.
Ito ay sa gitna na rin ng mga isyung inilapit ng publiko dahil sa mga dagdag na dokumentong hihingiin na pasakit at dagdag gastos pa sa mga byaherong mamamasyal sa abroad.
Giit ni Poe, hindi dapat maliitin ang mga pagdududa at pagkwestyon sa bagong pamantayan para sa mga babyahe sa labas ng bansa.
Binigyang diin ng senadora na dapat matiyak ng mga awtoridad na ang pagbyahe sa mga paliparan ay ligtas laban sa mga human-traffickers pero hindi ito dapat maging kumplikado para sa mga Pinoy.
Pinarerepaso rin ni Poe ang naturang guidelines upang maalis ang abala, dagdag gastos at mga legal complications na maaaring kaharapin ng isang byahero sa mismong araw ng kanyang flight.
Sa halip, inirekomenda ni Poe sa mga concerned agencies na magkaroon sila ng kapasidad na sanayin ang mga immigration personnel na makita agad ang trafficking, gayundin ang paigtingin ang seguridad at higpitan ang border ng bansa, at linisin ang hanay mula sa mga tiwali at walang kakayahan na tauhan.