Implementasyon ng bus ban sa EDSA, hindi pa tiyak kung kailan

Hindi pa tiyak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung kailan talaga ipapatupad ng provincial bus ban sa EDSA.

Ayon kay MMDA Traffic Manager Bong Nebrija, on-hold pa rin ang implementasyon ng pagbabawal ng mga provincial bus sa EDSA dahil naka-depende aniya ito sa Metro Manila Council (MMC).

Sinabi ni Nebrija na magkakaroon kasi ng mga bagong miyembro ang MMC dahil sa katatapos na eleksyon 2019.


Halimbawa aniya ang mga nai-proklamang alkalde ng Quezon City, Pasig at Pasay na magiging bagong miyembro ng MMC.

Kasunod nito, nakikipag-ugnayan pa rin aniya ang MMDA sa LTFRB hinggil sa magiging bagong fare matrix at usapin sa prangkisa, kapag natuloy ang naturang sistema.

Ang legal team naman ng MMDA ay abala na rin sa paghahanda, matapos na kwestyunin ang sistema sa Korte Suprema.

Ani Nebrija, mahalaga na maplantsa muna ang provincial bus ban scheme, para na rin sa kapakanan ng publiko.

Facebook Comments