Hiniling ni Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) Partylist Representative Jocelyn Tulfo sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO) na ipagpaliban ang implementasyon ng Child Car Seat Law sa buong panahon na may COVID-19 pandemic.
Kasabay nito ang pagsita ng lady solon sa kawalan ng “due diligence” ng dalawang ahensya.
Ayon kay Tulfo, wala man lamang isinagawang public consultation at hearings ang ahensya bago inaprubahan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas.
Bukod dito, hindi man lamang aniya isinaalang-alang ng DOTr at LTO ang kasalukuyang epekto ng pandemya at community quarantine na nagpapahirap na sa mga Pilipino.
Bunsod nito ay sinamantala naman ng mga nagbebenta ng car seats ang batas para taasan ang presyo ng kanilang produkto.
Ipinasasangguni rin ng kongresista sa Department of Trade and Industry (DTI) ang mga ibinebentang car seats upang makapalagay ng price control sa presyo at matiyak na sumusunod sa standard ang produkto sa salig sa batas.