Implementasyon ng EDCA, pinalilimitahan ng isang senador

Pinalilimitahan ni Senate Committee on Foreign Relations Chairperson Senator Imee Marcos ang implementasyon ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Bunsod na rin ito ng pagdadagdag ng apat na EDCA sites kung saan dalawa rito ay itatayo sa Cagayan na malapit lang sa Taiwan Strait kung saan may tensyon sa pagitan ng China at Taiwan.

Aminado si Marcos na nangangamba siya sa magiging epekto sa bansa ng posibleng banggaan ng Taiwan at China at maging sa inaasahang pagtulong ng Estados Unidos sa Taiwan.


Nababahala ang senador na dahil malapit sa Taiwan ang dalawa sa EDCA sites, posibleng madamay ang Pilipinas sakaling magkaroon ng gyera sa pagitan ng China, Taiwan at US.

Dahil sa nangangamba aniya ang mga lugar na pagtatayuan ng dagdag na EDCA sites, iminungkahi ni Marcos na magtakda ng limitasyon sa pagpapatupad ng EDCA tulad sa bilang ng mga sundalong Amerikano at ang tagal ng ilalagi nila sa bansa.

Sa ganito aniyang paraan ay hindi nakapirmi sa bansa ang mga sundalong Amerikano at matitiyak na mga Pilipinong sundalo pa rin ang naninirahan sa iba’t ibang kampo ng militar sa bansa.

Maliban dito, pinatitiyak din ni Marcos na malinaw sa mga probisyon ng EDCA na hindi magagamit ang mga itatayong pasilidad sa mga bagong EDCA sites bilang “staging area” ng mga posibleng pag-atake ng anumang bansa.

Facebook Comments