
Tiniyak ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na mahigpit na babantayan ng Kamara ang implementasyon ng Executive Order (EO) Number 100 at 101 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Dagdag pa ni Dy, patuloy na makikipag-ugnayan ang House of Representatives sa Department of Agriculture (DA) para matiyak na ang nabanggit na kautusan ni Pangulong Marcos ay mag-aangat sa bawat kanayunan.
Una rito ay pinulong ni Dy si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at Sen. Kiko Pangilinan kung saan kanilang tinalakay ang mga mungkahi na nakapaloob ngayon sa EO 100 at 101.
Tiwala si Dy na sa ilalim ng nabanggit na mga EO ay higit na mapangangalagaan ang kabuhayan ng ating mga magsasaka at mangingisda.
Buo rin ang pag-asa ni Dy na sa pamamagitan ng EO 100 at 101, ay mapagtitibay ang seguridad sa pagkain, habang binibigyan ng katarungan ang mga matagal nang nagsasakripisyo sa bukid at sa karagatan.









