Pinarerepaso ni Senator Sherwin Gatchalian ang Republic Act 11036 o ang Mental Health Act.
Sa Senate Resolution 671 na inihain ni Gatchalian, inaatasan dito ang kaukulang komite sa Senado na imbestigahan ‘in aid of legislation’ ang estado ng implementasyon ng Mental Health Act.
Tutukuyin sa pagsisiyasat ang mga kinakaharap na hamon sa paghahatid ng mental health services gayundin ay aalamin ang pagiging epektibo ng mga umiiral na polisiya at iba pang mga hakbang para matugunan ang pandemya ng mental health sa bansa.
Nakasaad sa resolusyon ang impact ng COVID-19 pandemic sa paglobo ng bilang ng mental health problems hindi lamang sa buong mundo kundi partikular sa Pilipinas kung saan tumaas ang mga nakakaranas ng anxiety, depression, psychological distress at suicidal behavior.
Naalarma rin si Gatchalian na maging ang mga kabataan ay apektado na ang mental health kung saan mahigit 400 estudyante mula school year 2020-2021 at 2021-2022 ang nag-suicide batay sa tala ng Department of Education (DepEd).
Iginiit ni Gatchalian, na Chairman ng Basic Education Committee sa Senado, na dahil malubha na ang banta ng mental health issues sa bansa ay mahalagang matiyak ng pamahalaan ang sapat na mental health services kasabay ng paghahatid ng maayos na serbisyong pangkalusugan, proteksyon, edukasyon, at pangangalaga sa kapakanan ng mga kababayan.