Pinasisilip ni Senator Risa Hontiveros sa oversight committee ng Senado ang implementasyon ng batas para sa pagbibigay ng diskwento sa mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs) sa mga sales at service establishments.
Tinukoy ni Hontiveros ang Republic Act 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 kung saan binibigyan ng 20 percent discount at pinalilibre sa VAT sa mga serbisyo sa hotel at iba pang kaparehong lodging establishments, restaurants at recreation centers ang mga senior citizens habang ang Republic Act 10754 naman o An Act Expanding the Benefits and Privileges of PWDs ay nagkakaloob din ng 20 percent discount at VAT exemption sa mga may kapansanan para sa lahat ng mga bibilhing produkto at serbisyo sa lahat ng establisyimento.
Sa Senate Resolution 866 ni Hontiveros ay inaatasan nito ang angkop na komite sa Senado na gawin ang oversight function para siyasatin ang pagpapatupad ng mga nabangggit na batas.
Kasunod na rin ito ng mga reklamo na may ilang establisyimento tulad ng hotel at food chain ang hindi kinilala ang pagbibigay ng senior citizen discount sa isang nakatatanda.
Dahil sa mga ganitong insidente ay kinakailangan na mabigyang linaw kung papaano ipapatupad ang batas para sundin ng mga establisyimento.
Iginiit pa ni Hontiveros sa kanyang resolusyon na karamihan sa mga matatanda at mga may kapansanan ang kabilang sa mahirap na sektor at malaking tulong sa kanila kung mabigyan ng diskwento at VAT exemption sa pagbili ng mga produkto at serbisyo.