Magiging hamon sa gobyerno ang implementasyon ng mga planong nabanggit ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA).
Ayon kay Senator Nancy Binay, ang ikalawang SONA ng pangulo ay komprehensibo at halos lahat ng sektor ay nabanggit maging ang mga bibihira lang na talakayin tulad ng climate change at tubig.
Magkagayunman, magiging mahirap na bahagi ng kanyang mga nabanggit sa SONA ay ang epektibong implementasyon ng mga plano, proyekto at programa para magtuluy-tuloy ang pagbangon ng mga Pilipino.
Handa naman si Senator Chiz Escudero na suportahan ang legislative agenda na nasabi ng pangulo partikular ang procurement at audit laws, amnesty at agricultural-smuggling.
Umaasa naman si Senator Alan Peter Cayetano na ang mga detalyado at technical na bahagi ng mga plano ng pangulo ay tuluyang ma-i-transmit sa Kongreso upang masimulan nang mapagtulungan.
Sa kabuuan, mayorya ng mga senador ay naging kuntento sa nilalaman ng naging ulat sa bayan ni PBBM.