Manila, Philippines – Pinamamadali ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang gobyerno sa implementasyon ng mga proyektong may kinalaman sa kalakalan at pamumuhunan na popondohan ng China.
Sa kabila ito ng pagiging agresibo ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS) kabilang ang Scarborough Shoal.
Sa ginanap na Boao forum, binigyang diin ng dating pangulo na dapat pagtuunan ng pansin ang pagtanggal sa on-the-ground bottlenecks o hadlang sa pagpapatupad ng mga proyekto tulad ng restrictions sa foreign investment.
Marapat lang aniya na suklian ang presentasyon ng business plans ng Chinese investors sa pamamagitan ng pagtanggal sa restrictions sa pagnenegosyo.
Ipinaliwanag rin ni Arroyo na ang pangunahing isyu na kailangang resolbahin ng bansa sa ngayon ay ang kahirapan.
Kumpiyansa naman siyang tulad ng China ay makakamit ng bansa ang kasaganahan pagsapit ng taong 2022 kung saan inaasahang maibababa sa 14% ang poverty rate mula sa 39% noong 2001.